Republika Ng Pilipinas
KAPULUNGAN NG MGA KINATAWAN
Quezon City, Manila
IKA-14 NA KONGRESO
UNANG REGULAR NA SESYON
PANUKALANG-BATAS BLG______
______________________________________________________________________
Panukala ni Kgg. Eduardo Nonato N. Joson
______________________________________________________________________
PALIWANAG
Ang panukalang batas na ito ay nagnanais na maisalin ang pag-angkat ng bigas sa pribadong sektor.
Sa ilalim ng P.D. No. 4, ayon sa pagkasusog ng P.D. No. 1770, ang Pambansang Pangasiwaan ng Pagkain (PPP) ang siyang may kapangyarihan na mag-angkat o isagawa ang pag-angkat ng produktong pagkain at/o materyales na sangkap, kasangkapan at mga kagamitan na kailangan sa pagyari/pagproseso ng mga panindang pagkain. Dahil sa malaking pangangailangan para sa bigas, at dahil sa kakulangan sa produksyon ng mga magsasaka ng palay, malaki ang itinaas ng pag-aangkat ng bigas. Bagaman ang PPP ang talagang nag-aangkat, pinapayagan din nito ang mga magsasaka, kooperatiba at iba pang negosyante ng bigas na mag-angkat din. Nguni’t ang pasanin sa pag-angkat ay nananatili sa PPP at dahil dito, ang utang ng PPP ay lumaki ng lumaki at umabot na ngayon ng Apatnapung Bilyong Piso (Php40,000,000,000.00), humigit kumulang.
Layunin ng batas na ito na mabawasan kundi malikida o mabayaran ang pagkakautang ng PPP at hayaang pumasok sa industriya ang pribadong sektor kasama ang kanilang mga sariling pondo o pagkukunan ng pondo. Ang garantiya din ng gobyerno ay magiging bahagi na lang ng nakaraan. Bagaman ang kakayahang bumili ay maaring maging problema sa una, ang presyo ng bigas ay kailangang nakabatay sa pamilihan upang umusad ang ating produksyon ng bigas. Gayunpaman, bibigyang konsiderasyon na may mga kaukulan at sapat na pangligtas lambat o “safety nets” na maaring ipatupad -- gaya ng sistema ng botser o resibo para sa pinakamahirap sa mga mahihirap o para sa ating mga sundalo at kapulisan. Sa pag-alis ng monopolyo o pagsarili sa pag-angkat ng PPP, ang pag-aalis sa bigas bilang kalakal na pulitikal o “political commodity” ay masisimulan, nang hindi isinasakripisyo ang nakalaang imbak o “buffer stock” para sa matatag na supply o panustos na bigas na manggagaling sa pagbili ng lokal na palay. Ang ilang porsyento ng iaangkat ng pribadong sector ay maaari ding maitalaga para magamit ng PPP para sa nakalaang imbak o “buffer stock”.
Ang pagpasa ng panukalang batas na ito ay hinihiling.
EDUARDO NONATO N. JOSON
Republika Ng Pilipinas
KAPULUNGAN NG MGA KINATAWAN
Quezon City, Manila
IKA-14 NA KONGRESO
UNANG REGULAR NA SESYON
PANUKALANG-BATAS BLG______
______________________________________________________________________
Panukala ni Kgg. Eduardo Nonato N. Joson
______________________________________________________________________
ISANG PANUKALA
NA NAGSUSUSOG SA SEKSYON 7(C) NG PRESIDENTIAL DECREE 1770 UPANG ISAPRIBADO ANG PAG-AANGKAT NG BIGAS
Isabatas ng katipunan ng Senado at Kapulungan ng mga Kinatawan ng Kongreso ng Republika ng Pilipinas:
SEKSYON 1.Pamagat- Ang batas na ito ay makikilala bilang “Batas sa Pagsasapribado ng Pag-aangkat ng Bigas”
SEKSYON 2. Pagsasapribado ng Pag-aangkat ng Bigas - Ang Seksyon 7 (c) ng Presidential Decree No. 1770 ay sinususugan ayon sa sumusunod:
“Na mag-angkat/magluwas o isagawa ang pag-aangkat o pagluluwas ng produktong pagkain, at/o materyales na sangkap, kasangkapan at mga kagamitan na kailangan sa pagyari/pagproseso ng mga panindang pagkain na maaring italaga ng Konseho, at inaprubahan ng Pangulo ng Pilipinas; MALIBAN LAMANG SA PAG-ANGKAT NG BIGAS NA SIMULA NGAYON AY ISASALIN NA SA PRIBADONG SECTOR.
SEKSYON 3. Pagsasakatuparang mga Alituntunin at Regulasyon - Ang Pambansang Pangasiwaan ng Pagkain (PPP) ay maghahayag ng mga alituntunin at regulasyon para sa mabisang pagpapatupad ng panukalang ito sa loob ng animnapung (60) araw mula sa pagpapatibay nito.
SEKSYON 4. Pagbubukod Sugnay - Kung anumang bahagi, seksyon o probisyon ng batas na ito ang ipalagay na walang-bisa, o di-naaayon sa saligang batas, ang ibang probisyon na hindi naaapektuhan dahil dito ay mananatiling may bisa at epekto.
SEKSYON 5. Pagpapawalang bisang sugnay – Lahat ng batas, ipinag-atas, utos, alituntunin at regulasyon at iba pang itinadhana na salungat sa mga probisyon ng batas na ito ay pinapawalang bisa, sinususugan o binabago alinsunod dito.
SEKSYON 6. Pagkabisa – Ang batas na ito ay magkakabisa labinlimang (15) araw pagkatapos na ito ay malathala sa dalawa (2) man lamang na pahayagan ng malawakang sirkulasyon.
Pinagtibay,
Thursday, July 5, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment