Wednesday, July 25, 2007

Bank Accounts (Filipino)

Republika Ng Pilipinas
KAPULUNGAN NG MGA KINATAWAN
Quezon City, Manila

IKA-14 NA KONGRESO
UNANG REGULAR NA SESYON

RESOLUSYON BLG______
______________________________________________________________________

Panukala ni Kgg. Eduardo Nonato N. Joson
______________________________________________________________________

RESOLUSYON

INAATASAN ANG KOMITI SA MGA BANGKO AT MGA TAGAPAMAGITANG PAMPINANSIYAL (COMMITTEE ON BANKS AND FINANCIAL INTERMEDIARIES) NG MABABANG KAPULUNGAN NA MAGTANONG BILANG TULONG SA PAGBABATAS SA MGA GAWI NG PAGBABANGKO AT MGA PATAW/BAYARIN SA MGA DI-AKTIBO O DORMANT ACCOUNT AT MGA ACCOUNT SA AUTOMATED TELLER MACHINE (ATM)

Sapagkat, ginagarantiyahan ng Estado ang karapatan sa pag-aari ng bawat indibidwal, at pinagtitibay ding hindi aalisan ang sinuman ng kaniyang pag-aari nang walang karampatang proseso ng batas, sa ilalim ng Artikulo III, Seksiyon 1 ng Saligang Batas ng Pilipinas;

Sapagkat, kinikilala ng Estado ang industriya ng Pagbabangko bilang haligi ng kalakalan at komersiyo sa ating bansa at ang mga mamamayan at mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ay patuloy na umaasa sa mga transaksiyon sa bangko at mga ATM sa kanilang pang-araw-araw na negosyo at gawain;

Sapagkat, may mga ulat na ang mga bangko ay unilateral na nagpapataw at naniningil ng bayarin sa mga di-aktibo o dormant account na hindi ginamit sa isang takdang panahon o di kaya’y nagkulang ang deposito sa kailangang pinakamababang arawang balanse;

Sapagkat, may mga ulat din na nagpapataw ang mga bangko ng di-makatwirang halaga/bayad sa serbisyo sa mga transaksiyon sa ATM kahit na ito’y ukol lamang sa pagtatanong ng balanse sa deposito o kaya’y mga hindi tinanggap na transaksiyon;

Sapagkat, ang mga pataw sa di-aktibo o dormant account, bayad sa serbisyo at transaksiyon sa ATM ay pabigat sa mga empleyadong sumasahod ng pinakamababang sweldo at mga OFWs, na nagbubunga ng mga reklamo mula sa mamamayan sa di-makatwiran at/o kaduda-dudang pataw/singil ng mga bangko;

Dahil dito, pinagtitibay at ngayon dito pinagtibay na ang Komite sa Mga Bangko at Mga Tagapamagitang Pinansiyal ay magsasagawa ng isang pagtatanong bilang tulong sa pagbabatas sa mga gawi sa pagbabangko at regulasyon ukol sa mga di-aktibo o dormant account at sa automated teller machine (ATM), at sa pagtatakda ng mga bangko ng pataw o singil sa gayong mga account para matukoy ang pagsunod sa pamantayan ng karampatang proseso ng batas.


EDUARDO NONATO N. JOSON
Kinatawan
Unang Distrito, Nueva Ecija

No comments: