REPUBLIKA NG PILIPINAS
KAPULUNGAN NG MGA KINATAWAN
Quezon City, Manila
IKA-14 NA KONGRESO
UNANG REGULAR NA SESYON
PANUKALANG-BATAS BLG______
________________________________________________________________________
Panukala ni Kgg. Eduardo Nonato N. Joson
________________________________________________________________________
PALIWANAG
Ang barangay ang pinakasaligang bahaging political o political unit ng ating bansa. Ito ang nagsisilbing nangungunang taga-plano at tagapagpatupad ng mga patakaran ng pamahalaan, mga panukala, programa, proyekto at mga gawaing sa komunidad. Ito rin ang pinakatuwirang daan para sa pagdadala ng mga serbisyo para sa ating mga mamamayan.
Sa ilalim ng Batas ng Pamahalaang Lokal o local government code, ang pangkasalukuyang tuon o focus ng pag-unlad sa ating bansa ay ang mga bayan at mga lunsod. Malaking bahagi ng alokasyon mula sa ating panloob na buwis o internal revenue ay nakalaan sa mga pagawaing-bayan ng mga bayan at mga lunsod. Dahil sa ganitong patakaran, nalagay sa huli at gilid ang pag-unlad ng barangay at sa gayon, napipigil din ang pagdadala ng mga pinakakailangang serbisyo para sa taong-bayan. Kaya ang paglakas o paggusar ng pambansang pag-unlad ay naapektuhan at halos lahat ng teoriya o kuro-kuro sa pag-unlad o development lalo ng “teoriya ng patak-patak bumaba” o trickle down theory ay ganuon na nga, patak-patak na pag-unlad o gapatak na pag-unlad.
Mayroon tayong mahigit sa apatnapung-libong (40,000) barangay sa ating bansa. Sa ilalim ng panukalang batas na ito, maglalaan ang pamahalaan ng panimulang pondo na dalawampung bilyong (Php 20,000,000,000.00) piso para mapabilis ang pag-unlad ng lahat ng ating mga barangay bilang nangungunang bahaging politikal at pang-ekonomiya o primary political-economic unit ng ating bansa sa loob ng dalawampung (20) taon. Isang tuloy-tuloy na programa para sa lahat ng mga barangay ang gagawin sang-ayon sa isang pambansang dalubhasang plano o national master plan. Tutukuyin ng programa ang mga ibat-ibang pangangailangan ng mga barangay, mula sa mga pagawaing-bayan hanggang sa pang-ekonomiyang pagawain, na kung saan magawang isang bahaging pang-ekonomiya o economic unit ang barangay at sa gayon, maging pangunahing makina sa paglakas tungo sa pambansang kaunlaran.
Ang pagpapatibay ng panukalang-batas na ito ay hinihiling.
EDUARDO NONATO N. JOSON
REPUBLIKA NG PILIPINAS
KAPULUNGAN NG MGA KINATAWAN
Quezon City, Manila
IKA-14 NA KONGRESO
UNANG REGULAR NA SESYON
PANUKALANG-BATAS BLG______
________________________________________________________________________
Panukala ni Kgg. Eduardo Nonato N. Joson
________________________________________________________________________
PANUKALANG BATAS
NA NAGTATADHANA NG DALAWAMPUNG (20) TAONG PROGRAMA PARA SA PAGPAPAUNLAD NG MGA BARANGAY, PAGLALAAN NG PONDO PARA DITO AT IBA PANG LAYUNIN
Isabatas ng Katipunan ng Senado at Kapulungan ng mga Kinatawan ng Kongreso ng Republika ng Pilipinas:
SEKSYON 1.Pamagat- Ang batas na ito ay makikilala na “2007 Batas para sa Pagpapaunlad ng mga Barangay.”
SEKSYON 2. Papapahayag ng patakaran- Kinikilala ng Estado na ang barangay ang pinakasaligang bahagi ng pamahalaan na mayroong pangunahing gagampanan sa pagdadala ng mga serbisyo sa mga mamamayan. Tungo sa patakarang ito, maglalaan ang pamahalaan ng kinakailangang pondo para mapabilis ang pag-unlad ng lahat ng mga barangay sa loob ng itinakdang panahon at ng sa gayon, makamit ang pangunahing dapat gampanan nito.
SEKSYON 3. Programa para sa pag-unlad ng barangay. – Ang Kagawarang Panloob at Pamahalaang Lokal (KPPL) o Department of Interior and Local Government (DILG) sa pakikipagtulungan ng Pambansang Pangasiwaan sa Kabuhayan at Pagpapaunlad ng Republika ng Pilipinas (PPKP) o National Economic Development Authority (NEDA) ay magbabalangkas, pagkatapos ng nararapat na pagsangguni sa Pambansang Liga ng mga Barangay, ng isang dalawampung-taong (20) programa para sa pag-unlad ng lahat ng mga barangay. Ang nasabing programa ay maglalaman, bukod pa sa iba, ng mga sumusunod:
1. Ang listahan ng pagkauna ng mga barangay sa programa sa loob ng itinakdang panahon
2. Lahatang programa para sa mga barangay
3. Partikular na programa para sa ibat-ibang barangay
4. Gamit/alokasyon ng panimulang pondo o seed fund
5. Pagmasid/pagtutuos/pananagot ng mga gawain ng (KPPL) at ng mga barangay
6. Pangtama/pangremedyo na mga hakbangin para sa programa
7. Iba pang mga kailangan ng programa ayon sa pasiya ng KPPL at PPKP.
SEKSYON 4. Pondo para sa pag-unlad ng mga barangay. – Isang panimulang pondo o seed fund na nagkakahalaga ng dalawampung bilyong piso (20B) ay inilalaan dito para mapabilis ang pag-unlad ng lahat ng mga barangay sang-ayon sa isang pambansang dalubhasang plano o national master plan para sa mga barangay. Ang nasabing pondo ay manggagaling sa mga natipid sa taunang gugulin o annual budget o maaaring magamit na pondo sa pagpapatunay ng pambansang ingat-yaman. Dalawampung porsiyento (20%) ng lahat ng koleksyon sa Expanded Value-Added Tax (EVAT) ay ibubukod din para madagdagan o makumpleto ang nasabing panimulang pondo.
SEKSYON 5. Pagsasakatuparang mga alituntunin at regulasyon – Ang KPPL sa pakikipagtulungan ng PPKP ay maghahayag ng mga alituntunin at regulasyon para sa mabisang pagpapatupad ng panukalang ito sa loob ng animnapung (60) araw mula sa pagpapatibay nito.
SEKSYON 6. Pagbubukod Sugnay – Kung anumang bahagi, seksyon o probisyon ng batas na ito ang ipalagay na walang-bisa, o di-naaayon sa saligang batas, ang ibang probisyon na hindi naaapektuhan dahil dito ay mananatiling may bisa at epekto.
SEKSYON 7. Pagpapawalang bisang sugnay – Lahat ng batas, ipinag-atas, utos, alituntunin at regulasyon at iba pang itinadhana na salungat sa mga probisyon ng batas na ito ay pinapawalang bisa, sinususugan o binabago alinsunod dito.
SEKSYON 8. Pagkabisa – Ang batas na ito ay magkakabisa labinlimang (15) araw pagkatapos na ito ay malathala sa dalawa (2) man lamang na pahayagan ng malawakang sirkulasyon.
Pinagtibay,
Wednesday, July 11, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment