Thursday, July 12, 2007

Criminal Syndicate (Filipino)

Republika ng Pilipinas
MABABANG KAPULUNGAN
Lungsod Quezon, Maynila

Ika-labing-apat na Konggreso
Unang Regular na Sesyon

PANUKALANG BATAS BLG. _____

Panukala ni Kgg. Eduardo Nonato N. Joson

PANUKALANG BATAS
NA NAGBABAWAL SA PAGSAPI SA SINDIKATONG KRIMINAL,
PAGPATAW NG PARUSA DAHIL DITO AT IBA PANG LAYUNIN

Pagpasiyahan ng nagtitipong Senado at ng Mababang Kapulungan ng Pilipinas sa Konggreso:

SEKSIYON 1. Titulo. – Kikilalanin itong panukalang batas bilang “Batas laban sa Sindikatong Kriminal”.

SEKSIYON 2. Depinisyon ng Termino – Para sa mga layunin ng Panukalang Batas na ito, bibigyang depinisyon ang mga sumusunod na termino:

a. Sindikatong Kriminal– isang grupo/samahan ng tatlo (3) o higit pang tao na sangkot sa mga krimen o pangunguna sa mga gawaing kriminal na maparurusahan sa ilalim ng Revised Penal Code (RPC) o iba pang natatanging batas. Ang gayong mga sindikatong kriminal ay angkop na kinilalang gayon nga ng pulisya at ibinunyag sa publiko sa pamamagitan ng pagpapaskil ng mga karatulang wanted o iba pang katulad na diseminasyon gamit ang mass media at iba pang paraan.

b. Pagsapi – nangangahulugan ng pagsama, pag-ugnay o iba pang pagsangkot o paglahok sa mga gawaing kriminal na isinasagawa ng mga sindikatong kriminal ayon sa depinisyon dito.

SEKSIYON 3. Gawaing Mapaparusahan/Kaparusahan – Ang pagsapi sa isang sindikatong kriminal ay ipinagbabawal dito at alinmang paglabag ay maparurusahan ng pagkakulong na tatlong (3) taon at multa na limampung libong piso (Php50,000.00)

SEKSIYON 4. Pagbubukod Sugnay – Kung anumang bahagi, seksyon o probisyon ng batas na ito ang ipalagay na walang-bisa, o di-naaayon sa saligang batas, ang ibang probisyon na hindi naaapektuhan dahil dito ay mananatiling may bisa at epekto.

SEKSYON 5. Pagpapawalang bisang sugnay – Lahat ng batas, ipinag-atas, utos, alituntunin at regulasyon at iba pang itinadhana na salungat sa mga probisyon ng batas na ito ay pinapawalang bisa, sinususugan o binabago alinsunod dito.
SEKSYON 6. Pagkabisa – Ang batas na ito ay magkakabisa labinlimang (15) araw pagkatapos na ito ay malathala sa dalawa (2) man lamang na pahayagan ng malawakang sirkulasyon.

Pinagtibay,











































Republika ng Pilipinas
MABABANG KAPULUNGAN
Lungsod Quezon, Maynila

Ika-labing-apat na Konggreso
Unang Regular na Sesyon

PANUKALANG-BATAS BLG. _____

Panukala ni Kgg. Eduardo Nonato N. Joson

PALIWANAG

Layunin ng panukalang batas na ito na ipagbawal ang pagsapi sa isang sindikatong kriminal at maituring na krimen ang gayong pagsapi.

Ang dumadaming bilang ng krimen ay isang laganap na problema sa pambansang antas. Sang-ayon sa database na Ekonomiko at Panlipunan ng Institute for Development Studies, ang average na dami ng buwanang krimen sa Pilipinas noong Disyembre 2006 ay 5.73%. Umakyat ito sa 7. 19% noong Marso 2007. Ang nakakabagabag na pagtaas ng mararahas na krimen ay maidadahilan sa isang bahagi sa paglaganap ng sindikatong kriminal at sa pagsang-ayon ng mga kasapi ng sindikato na gumawa ng mga karahasan at panloloko.

Gumagawa ng karahasan at panloloko ang mga sindikatong kriminal dahil sa iba’t ibang motibo, tulad ng pagprotekta sa teritoryo ng “sindikatong kriminal,” at para kumita sa ilegal na mga gawain. Ang pag-iral ng mga sindikatong kriminal at ang bunga nitong paggawa ng krimen ay may negatibong epekto sa antas pambansa dahil direktang naaapektuhan nito ang kalayaan at seguridad ng mga komunidad na binabatbat ng mga gawaing ilegal ng gayong mga sindikatong kriminal. Bukod pa dito, ang pagdami ng mga sindikatong kriminal ay pumipigil sa layunin ng mga korporasyong nasyonal at multinasyonal na mamuhunan at/o magnegosyo sa Pilipinas, kaya sa wakas, naapektuhan nito ang pag-unlad na sosyo-ekonomiko sa ating bansa.

Ang pagdami ng mga sindikatong kriminal at ang paggawa ng krimen ay mapipigil sa pamamagitan ng pagpataw ng parusa sa pagsapi sa gayong mga organisasyon. Samantalang ang kalayaan sa pagbuo at pagsapi sa mga unyon, asosasyon, o pangkat ay protektado sa ilalim ng Katipunan ng mga Karapatan (Bill of Rights) sa ating Konstitusyon (Act 3, Sek 8), ang nasabing mga unyon, asosasyon, o pangkat ay dapat na walang layuning labag sa batas. Kaya binigyang depinisyon ng panukalang batas na ito kung ano ang mga sindikatong kriminal at ipinagbabawal ang pagsapi dito.

Hinihiling ang pagpapatibay ng panukalang-batas na ito.


EDUARDO NONATO N. JOSON

No comments: