Wednesday, September 5, 2007

Womens Crisis Center (Filipino)

Republika Ng Pilipinas
KAPULUNGAN NG MGA KINATAWAN
Quezon City, Manila

IKA-14 NA KONGRESO
UNANG REGULAR NA SESYON

PANUKALANG-BATAS BLG______
______________________________________________________________________

Panukala ni Kgg. Eduardo Nonato N. Joson
______________________________________________________________________

PALIWANAG


Layunin ng mungkahing batas na ito na makapagtatag ng Crisis Center for Women sa Unang Distrito ng Nueva Ecija, isang pagkilala sa nakadeklarang patakaran ng Estado na bigyang-halaga ang dignidad ng bawat tao at ang ganap na pagggalang sa karapatang pantao (Artikulo II, Seksiyon 11 ng Konstitusyon ng Pilipinas).

Nakababahala ang laganap na mga salaysay ng karahasan laban sa kababaihan. Ang karahasang domestiko, pambugbog, pang-aabusong sexual at harassment, eksploytasyon at trafficking ang ilan sa paglabag sa karapatang pantaong dinadanas ng kababaihan sa ating lipunan. Ang mga biktima ng gayong karahasan ay karaniwang dinadanas ang karahasan dahil sa kakulangan ng resorses o serbisyo na makakatulong sa kanilang pangangailangan.

Nauunawaan ng awtor na isang paraan upang matugunan ang problema ng karahasan laban sa kababaihan ang pagtatayo ng isang crisis center na sadyang nakalaan sa pangangailangan ng kababaihan. Kailangan ang pook, pangangalaga sa bata, tulong medikal, payong sikolohikal at tulong legal para mailigtas ang mga survivor ng pang-aabuso at tulungan silang makabalik sa pagiging produktibong miyembro ng ating lipunan.

Mahalaga ang papel ng kababaihan sa pagbuo ng nasyon. Tungkulin ng Estado na bigyan sila ng proteksiyon at pamamaraan upang maisakatuparan ang kanilang papel sa lipunan..

Ang pagpasa ng panukalang batas na ito ay hinihiling.




EDUARDO NONATO N. JOSON







Republika Ng Pilipinas
KAPULUNGAN NG MGA KINATAWAN
Quezon City, Manila

IKA-14 NA KONGRESO
UNANG REGULAR NA SESYON

PANUKALANG-BATAS BLG______
______________________________________________________________________

Panukala ni Kgg. Eduardo Nonato N. Joson
______________________________________________________________________

ISANG BATAS NA NAGTATAYO NG CRISIS CENTER FOR WOMEN SA UNANG DISTRITO NG NUEVA ECIJA, PAGLALAAN NG PONDO PARA DITO AT PARA SA IBA PANG LAYUNIN

Hayaang pagpasiyahan ng Senado at ng Mababang Kapulungan ng Pilipinas sa Konggreso na nagtitipon:

SEKSIYON 1. Ang pagtatatag ng Crisis Center for Women sa Unang Distrito ng Nueva Ecija ay isasagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

SEKSIYON 2. Ang mga kababaihang biktima ng karahasan sa mga tahanan, pang-aabusong sexual at harassment, eksploytasyon at trafficking ay mabibigyan ng mga serbisyo ng Crisis Center for Women na mapapailalim sa pangangasiwa at administrasyon ng DSWD.

SEKSIYON 3. Kabilang sa gawain ng Crisis Center ang mga sumusunod:

a. maglaan ng pansamantalang kalinga sa mga inabusong babae at kanilang mga anak kung mayroon;
b. magsagawa ng tulong medikal o payong sikolohikal sa mga biktima, kung kailangan;
c. magbigay ng tulong legal sa mga biktima ng pang-aabuso kung kailangan;
d. magbigay ng pagsasanay sa kakayahan o tulong pangkabuhayan sa mga dumanas ng karahasan laban sa kababaihan.

SEKSIYON 4. Ang halagang Dalawang Milyong Piso (Php2,000,000.00) ay inilalaan ngayon para sa layuning ito, ikakarga sa kasalukuyang nakalaang pondo ng DSWD sa ilalim ng General Appropriations Act. Pagkaraan, ang kinauukulang mga yunit ng lokal na gobyerno na ang mangangalaga ng Crisis Center for Women.

SEKSIYON 5. Pagkabisa – Ang batas na ito ay magkakabisa labinlimang (15) araw pagkatapos na ito ay malathala sa dalawa (2) man lamang na pahayagan ng malawakang sirkulasyon.


Pinagtibay,

No comments: