Tuesday, September 11, 2007

Drug Rehabilitation Center (Filipino)

Republika Ng Pilipinas
KAPULUNGAN NG MGA KINATAWAN
Quezon City, Manila

IKA-14 NA KONGRESO
UNANG REGULAR NA SESYON

PANUKALANG-BATAS BLG______
______________________________________________________________________

Panukala ni Kgg. Eduardo Nonato N. Joson
______________________________________________________________________


PALIWANAG

Nais ng mungkahing batas na ito na magtatag ng Drug Rehabilitation Center sa Unang Distrito ng Nueva Ecija.

Hindi na lamang sa Metro Manila at mga urbanisadong lungsod makikita ang panganib ng ilegal na gamot. Humihingi ng aktibong tugon mula sa Estado ang nakababahalang lagay ng adiksiyon sa droga. Nararapat na maitayo ang mga pasilidad na magbibigay ng serbisyo sa mga nalulong sa droga tulad ng paggamot, kontrol at pagpigil sa paglaganap ng adiksiyon sa droga.

Bagamat lumalabag sila sa mga espesyal na batas sa mapanganganib na gamot, kailangan din ng mga nalulong sa droga ang gabay at paggamot upang malampasan ang kanilang kalagayan. Sa tulong ng mga propesyonal at pasilidad sa paggamot na may tanging mga kagamitan at serbisyo para tugunan ang kanilang pangangailangan, maaari na muling maging produktibong kasapi ng lipunan ang mga nalulong sa droga.


Ang pagpasa ng panukalang batas na ito ay hinihiling.




EDUARDO NONATO N. JOSON











Republika Ng Pilipinas
KAPULUNGAN NG MGA KINATAWAN
Quezon City, Manila

IKA-14 NA KONGRESO
UNANG REGULAR NA SESYON

PANUKALANG-BATAS BLG______
______________________________________________________________________

Panukala ni Kgg. Eduardo Nonato N. Joson
______________________________________________________________________


ISANG BATAS NA NAGTATATAG NG ISANG DRUG REHABILITATION CENTER SA UNANG DISTRITO NG NUEVA ECIJA, PAGLALAAN NG PONDO PARA DITO, AT PARA SA IBA PANG LAYUNIN

Hayaang pagpasiyahan ng Senado at ng Mababang Kapulungan ng Pilipinas sa Kongreso na nagtitipon:

SEKSIYON 1. Ang pagtatatag ng isang Drug Rehabilitation Center sa Unang Distrito ng Nueva Ecija ay isasagawa ng Department of Health (DOH).

SEKSIYON 2. Layunin ng Drug Rehabilitation Center ang mga sumusunod:
a. magbigay ng pansamantalang akomodasyon sa mga nalulong sa droga;
b. magbigay ng pangangalagang medikal at payo sa mga nalulong sa droga na pumasok sa center;
c. magbigay ng patuloy na pangangalaga at serbisyo para mabigyan ng kakayahan ang nalulong sa droga upang makabalik sa lipunan.

SEKSIYON 3. Ang halagang Dalawang Milyong Piso (Php2,000,000.00) ay inilalaan ngayon sa layuning ito, ikakarga sa kasalukuyang apropriyasyon o pondo ng DOH sa ilalim ng General Appropriations Act. Pagkaraan nito, ang kinauukulang yunit ng lokal na gobyerno ang magsasagawa ng pagmamantini at operasyon ng Drug Rehabilitation Center.

SEKSIYON 4. Pagkabisa – Ang batas na ito ay magkakabisa labinlimang (15) araw pagkatapos na ito ay malathala sa dalawa (2) man lamang na pahayagan ng malawakang sirkulasyon.


Pinagtibay,

No comments: