PALIWANAG HINGGIL SA BOTO– Kongresman Eduardo Nonato N. Joson
(ika-17 ng Setyembre, 2007, Mababang Kapulungan)
Ako ay bumoboto ng NO sa House Bill No. 2417 sa mga sumusunod na dahilan:
Una, sa ilalim ng ating Saligang Batas, Kgg. na Speaker, nilimitahan ang termino ng paglilingkod para maiwasan ang monopolyo sa mga puwestong ibinoboto para sa isang yugtong walang pagtatakda sa panahon. Sa panukalang batas na ito, ang monopolyo ng paglilingkod sa yugtong walang pagtatakda sa panahon ay magiging hindi magandang paunang kaso o halimbawa at maituturing na pabuya o sadyang bahagi na ng korupsiyong sistemiko o systemic corruption at mumurahing pamumulitika sa level ng barangay.
Higit na mahalaga, Kgg na Speaker, ang taumbayan mismo, ang mga botante sa ilalim ng karapatan nilang iboto ang ating mga lider—na tinatawag kong ang pamamayani ng taong-bayan o rule of the sovereign—ang siyang tanging may kapangyarihang bumoto, at hindi ito puwedeng ibigay sa kinatawan, o labagin ng kanilang mga ahente. Tayo ay mga kinatawan o ahente ng taumbayan, Kgg. na Speaker. Hindi natin puwedeng lampasan o higitan ang pinagmulan ng kapangyarihan. Sa ibang salita, habang may kapangyarihan tayong itakda ang termino ng tanggapan ng mga opisyal ng barangay, at ang ekstensiyon ng termino ay bahagi lamang ng awtoridad na itakda ang termino ng tanggapan, ang naturang ekstensiyon ay dapat na umangkop sa diwa ng batas sa limitasyong pangtermino, sa kwalipikasyon sang-ayon sa batas (lalo na ng kandidatong pang-Sanggunian Kabataan sa kasong ito) at pananagutan pagkaraan ng itinakdang termino o ng isang bagong mandato mula sa taumbayan mismo. Hindi para sa mga ahente o kinatawan ang magbigay ng renewal o ekstensiyon ng naturang mandato. Kung hindi, magkakaroon dito ng paghalili ng desisyon o substitution of judgement o ng pag-angkin ng kapangyarihan.
Ikalawa, Kgg. na Speaker, bagamat mayroon ng pagwawasto sa anyo at sa pagtuturing sa regularidad ng pagpapasa sa panukalang batas na ito sa una at ikalawang pagbasa, hindi nasisiyahan ang kinatawan ito sa pamamaraan sa pagpapasa ng panukalang batas na ito. Kahit ang bersiyon ng ika-3 pagbasa ay hindi nagpapakita ng pagwawasto sa journal na dapat na isinagawa bago ang paglilimbag at distribusyon ng nasabing ika-3 bersiyon. Dapat nating tandaan, Kgg. na Speaker na dahil tayo mismo ang gumagawa ng alituntunin, nasa atin ang tungkulin upang mahigpit na sundin o amyendahan o suspendihin ang naturang mga alituntunin, kung kailangan. Kung hindi Kgg. na Speaker, tayo ay magiging tagalabag sa halip na tagalikha ng batas.
Sa huli, Kgg. na Speaker, kaugnay ng pagtataguyod sa panukalang batas na ito, naniniwala ako na ang deliberasyon ay dapat na palagiang tumuon sa isyu o paksang pinag-uusapan. Totoong puwedeng mag-init ang damdamin, ngunit ang mga pahayag o salita ay hindi dapat ipatama sa mga personalidad na kalahok sa talakayan o debate. Kaya, kung nasaktan ng kinatawang ito ang tagapagtaguyod, ako ay humihingi ng paumanhin sa tagapagtaguyod at sa kalipunang ito para sa pahayag o wikang ginamit dito. Ang mabuting kalooban ay palaging ipinapasubali. Nararapat na panatilihin ang kagandahang-asal at pagrespeto sa isa’t isa. Dapat na palagiang mangibabaw ang ating mabuting kalooban kung mamumuno tayo sa pamamagitan ng mabuting halimbawa. Nagugutom at nauuhaw ang taumbayan, Kgg. na Speaker. Hindi tayo maaaring magkulang pa.
Maraming Salamat po Kgg. na Speaker.
Tuesday, September 18, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment