Wednesday, September 26, 2007

Homeless Shelter (Filipino)

Republika Ng Pilipinas
KAPULUNGAN NG MGA KINATAWAN
Quezon City, Manila

IKA-14 NA KONGRESO
UNANG REGULAR NA SESYON

PANUKALANG-BATAS BLG______
______________________________________________________________________

Panukala ni Kgg. Eduardo Nonato N. Joson
______________________________________________________________________


PALIWANAG

Layunin ng mungkahing batas na ito na magtatag ng isang Kanlungan Para sa Walang Tahanan sa Unang Distrito ng Nueva Ecija para sa mahihirap at sa mga walang kakayahang suportahan ang kanilang sarili.

Sa pagsisikap tungo sa isang makatarungan at dinamikong kaayusang panlipunan, dapat na maglaan ang Estado ng sapat na serbisyo at programang panlipunan para sa paglunas sa kahirapan. Layunin namin ang pinabuting kalidad ng buhay para sa ating mga mamamayan sang-ayon sa patakarang ipinahayag ng Estado na pahalagahan ang dignidad ng lahat ng tao (Artikulo 2, Seksiyon 11 ng Konstitusyon ng Pilipinas). Sa kanilang walang masilungan, ang kanlungan para sa walang tahanan ay magsisilbing lugar na pansamantala nilang matitigilan sa gitna ng malupit na katotohanan ng kahirapan.

Ang pagpasa ng panukalang batas na ito ay hinihiling.




EDUARDO NONATO N. JOSON












Republika Ng Pilipinas
KAPULUNGAN NG MGA KINATAWAN
Quezon City, Manila

IKA-14 NA KONGRESO
UNANG REGULAR NA SESYON

PANUKALANG-BATAS BLG______
______________________________________________________________________

Panukala ni Kgg. Eduardo Nonato N. Joson
______________________________________________________________________


ISANG BATAS NA NAGTATATAG NG KANLUNGAN PARA SA WALANG TAHANAN SA UNANG DISTRITO NG NUEVA ECIJA, PAGLALAAN NG PONDO PARA DITO AT PARA SA IBA PANG LAYUNIN

Hayaang pagpasiyahan ng Senado at ng Mababang Kapulungan ng Pilipinas sa Kongreso na nagtitipon:

SEKSIYON 1. Ang pagtatatag ng isang Kanlungan para sa Walang Tahanan sa Unang Distrito ng Nueva Ecija ay isasagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

SEKSIYON 2. Layunin ng Kanlungan para sa Walang Tahanan ang mga sumusunod:
a. magbigay ng pansamantalang matitigilan sa mga mahihirap sa distrito;
b. magbigay ng panandaliang akomodasyon sa mga mamamayan ng distrito na walang matigilan dahil sa kalamidad at sakunang likha ng kalikasan.

SEKSIYON 3. Inilalaan kung gayon ang halagang Dalawang Milyong Piso (Php2,000,000.00) para sa layuning ito, ikakarga sa kasalukuyang apropriyasyon ng DSWD sa ilalim ng Batas sa Kalahatang Apropriyasyon. Pagkaraan, ang kaukulang yunit ng lokal na gobyerno ang magsasagawa ng pagmamantini ng Kanlungan para sa Walang Tahanan.

SEKSIYON 4. Pagkabisa – Ang batas na ito ay magkakabisa labinlimang (15) araw pagkatapos na ito ay malathala sa dalawa (2) man lamang na pahayagan ng malawakang sirkulasyon.


Pinagtibay,

No comments: