Tuesday, August 21, 2007

Total Gun Ban (Filipino)

Republika ng Pilipinas
MABABANG KAPULUNGAN
Lungsod Quezon, Maynila

Ika-labing-apat na Konggreso
Unang Regular na Sesyon

PANUKALANG-BATAS BLG. _____

________________________________________________________________________

Panukala ni Kgg. Eduardo Nonato N. Joson
________________________________________________________________________


PALIWANAG

Sa sunod-sunod na patayan at balita ng karahasan, may kagyat na pangangailangang balikan ang kampanya para sa lipunang walang baril. Kailangan lamang tingnan ang mga diyaryo para malaman ang napakaraming kuwento ng mga biktima at pang-aabuso ng mga taong may dalang baril. Ironikong malaman ang ganitong mga pangyayari sa harap ng Artikulo II, Seksiyon 2 at 3 ng Konstitusyon ng Pilipinas, kung saan idinidiing itinataguyod ng estado ang patakaran ng kapayapaan, at ipinapahayag na palagiang mangingibabaw ang sibilyang autoridad sa militar.
Sa kabila ng mga hakbang para mairehistro ang lahat ng baril at maisailalim sa regulasyon ang paggamit ng baril, marami pa ring insidente ng karahasan at hindi tamang paggamit ng baril/sandata. Marami ang buhay na nasawi sa larangan ng politika, negosyo, ideolohiya, relihiyon at kahit ang mga personal na buhay ng mga mamamayan dahil sa kakulangan ng tunay na epektibong kontrol sa paggamit ng baril at sandata. Ang sandatang nakamamatay ay madaling nakukuha ng mga mamamayan at puwede itong maabuso. Nangingibabaw ang batas ng kagubatan at dinadaig ng batas ng lakas at dahas ang kapangyarihan ng lipunang sibil at ng batas ng katwiran.
Hinihiling ng panahong muling suriin ang ating mga batas tungkol sa pag-aari at paggamit ng baril. Sa ibang bansa at estado, may mga hakbang tungo sa paggamit ng sandatang di-nakamamatay para panatilihin ang katiwasayan at kaayusan. Sa pagtupad sa Konstitusyonal na patakaran sa kapayapaan at pagkilala sa Tuntunin o pamamayani ng Batas, may pangangailangan ang ating bansa para lumayo sa karahasan at sa instrumentong nagpapalaganap ng karahasan. Layunin ng panukalang-batas na ito na ipatupad ang isang patakarang ganap na pagbabawal sa baril at ang pagtataguyod ng paggamit sa sandatang di-nakamamatay sa larangan ng pagpapatupad ng batas.

Hinihiling ang pagpapatibay ng panukalang-batas na ito.



EDUARDO NONATO N. JOSON




Republika ng Pilipinas
MABABANG KAPULUNGAN
Lungsod Quezon, Maynila

Ika-labing-apat na Konggreso
Unang Regular na Sesyon

PANUKALANG BATAS BLG. _____
________________________________________________________________________

Panukala ni Kgg. Eduardo Nonato N. Joson
________________________________________________________________________


PANUKALANG-BATAS PARA SA PATAKARANG GANAP NA PAGBABAWAL SA BARIL O TOTAL GUN BAN AT SA PAGGAMIT NG MGA PAMALIT NA SANDATANG DI-NAKAMAMATAY SA PHILIPPINE NATIONAL POLICE (PNP) AT IBA PANG AHENSIYANG NAGPAPATUPAD NG BATAS, PAGLALAAN NG PONDO PARA DITO AT PARA SA IBA PANG LAYUNIN

Seksiyon 1.Titulo – Tatawagin ang batas na ito bilang “BATAS SA GANAP NA PAGBABAWAL SA BARIL”

Seksiyon 2. Deklarasyon ng Patakaran – Isinasaad sa Artikulo II, Seksiyon ng Konstitusyon na “itinatakwil ng Pilipinas ang digmaan bilang instrumento ng pambansang patakaran at nagtataguyod sa patakaran ng kapayapaan.” Bukod pa rito, isinasaad ng Artikulo II, Seksiyon 3 na “higit na nakatataas, sa lahat ng pagkakataon, ang awtoridad na sibil sa militar.” Kinikilala ng mga prinsipyong ito sa ating Konstitusyon ang Tuntunin o pamamayani ng Batas at soberanidad o sovereignty ng mamamayan at kinikilala ang tungkullin na itaguyod ang pagkawalang karahasan at ang katwiran sa pagsasagawa ng mga pambansang layunin.

SEKSIYON 3. Kahulugan ng mga salita o termino

a. Ganap na pagbabawal sa baril – tumutukoy sa lubusang pagbabawal sa paggamit, pag-aari o pagdadala o posesyon ng mga sandatang nakamamatay tulad ng, ngunit hindi limitado sa, baril, riple, bomba, kagamitang pampasabog, sandatang kemikal o baril na laser o katulad na kagamitang pamatay ng tao.
b. Sandatang di-nakamamatay – tumutukoy sa mga kasangkapan, parapernalya, kagamitan, gadget o katulad na mga kasangkapang di-panganib sa buhay per se at ginagamit sa pagtanggal sa kakayahan, magparalisa, o pag-shock sa isang tao upang sumuko sa mga awtoridad na nagpapatupad ng batas. Puwedeng makabilang sa gayong mga sandatang di-nakamamatay ang kasangkapang teargas, de-koryenteng instrumento, kemikal na isprey, gomang bala, o mga katulad na kasangkapan, gamit, o gadget.
c. Mga ahensiyang nagpapatupad ng batas – tumutukoy sa mga ahensiyang awtorisadong magpatupad ng batas tulad ng, ngunit hindi limitado sa, Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), mga court sheriff, mga jail guard, at iba pang personel ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), legal na diputadong indibidwal, pangkat na kontra-riot o yunit para sa kaguluhang sibil ng Philippine National Police (PNP) o pansuportang puwersa mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), lisensiyadong ahensiya sa seguridad, atbp.

Seksiyon 4. Yugtuang Implementasyon ng Patakaran sa Ganap na Pagbabawal sa Baril – Ipinapahayag dito ang patakaran ng ganap na pagbabawal sa baril at ipapatupad sa loob ng tatlong (3) taon. Ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa pakikipag-ugnayan sa Director General ng Philippine National Police ay magsasagawa ng mga aksiyong maaaring kailanganin upang mabisang maipatupad ang patakaran ng ganap na pagbabawal sa baril.

I. Unang taon ng implementasyon
a. Arestuhin ang lumalabag sa patakaran.
b. Magkakaroon sa loob ng 6 buwan ng impormasyon at isang sistema ng gantimpala sa mga boluntaryong magsusuko ng di-lisensiyado at lisensiyadong baril. Kukunin ang pondo sa badyet ng Department of Interior ang Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), o sa donasyon ng mga pribadong indibidwal.
c. Malawakang isasagawa ang pagpapalaganap ng patakaran sa midya.
d. Maglalabas din ang Department of Education, Culture, and Sports (DECS) at Commission on Higher Education ng circular o order sa lahat ng kaguruan at mag-aaral tungkol sa patakaran ng gobyerno sa ganap na pagbabawal sa baril.
e. Tanging ang mga naka-duty na personel ng mga Law Enforcement Agency (LEA) (Ahensiyang Nagpapatupad ng Batas) ang papayagang magdala ng baril sa labas ng kanilang tahanan.
f. Gagawin ang pagbili ng sandatang di-nakamamatay sa pamamagitan ng badyet ng Philippine National Police (PNP) na nakalaan para sa nakamamatay na sandata.
g. Bawal ang pagbebenta sa publiko ng sandatang nakamamatay.

II. Ikalawang Taon ng Implementasyon
a. Isasagawa ang mga checkpoint at pagrekisa ng awtorisadong personel ng Philippine National Police (PNP) o Armed Forces of the Philippines (AFP) sang-ayon sa balidong court warrant.
b. Walang personel ng Law Enforcement Agency (LEA) na naka-duty ang pahihintulutang magdala ng alinmang sandatang nakamamatay sa labas ng kanilang tahanan. Sa halip, magdadala lamang ng sandatang di-nakamamatay ang nasabing mga personel ng Law Enforcement Agency (LEA).
c. Ang pagbebenta sang-ayon sa mga regulasyon ng di-nakamamatay na sandata sa publiko ay papayagan.

III. Ikatlong Taon ng Implementasyon
a. Isasagawa ang pagtatasa at hakbang na remedyal o panlunas ng Department of Interior and Local Government (DILG) para iwasto ang alinmang kamalian, depekto o kakulangan ng patakaran ng ganap na pagbabawal sa baril.
b. Ihaharap ang rekomendasyon ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Tanggapan ng Pangulo na pagkaraan ng konsultasyon sa Konggreso ng Republika ng Pilipinas ay maaaring alisin ang ganap na pagbabawal o isuspinde ito sa loob ng isang takdang panahong hindi lalagpas sa anim (6) na buwan.

Seksiyon 5. Pagsasakatuparang mga alituntunin at regulasyon- Ipapatupad ng Department of Interiol and Local Government (DILG) sa pakikipag-ugnayan sa Director General ng Philippine National Police (PNP) ang mga tuntunin at regulasyon.

SEKSIYON 6. Pagbubukod Sugnay – Kung anumang bahagi, seksyon o probisyon ng batas na ito ang ipalagay na walang-bisa, o di-naaayon sa saligang batas, ang ibang probisyon na hindi naaapektuhan dahil dito ay mananatiling may bisa at epekto.

SEKSYON 7. Pagpapawalang bisang sugnay – Lahat ng batas, ipinag-atas, utos, alituntunin at regulasyon at iba pang itinadhana na salungat sa mga probisyon ng batas na ito ay pinapawalang bisa, sinususugan o binabago alinsunod dito.

SEKSYON 8. Pagkabisa – Ang batas na ito ay magkakabisa labinlimang (15) araw pagkatapos na ito ay malathala sa dalawa (2) man lamang na pahayagan ng malawakang sirkulasyon.

Pinagtibay,

No comments: