Wednesday, August 29, 2007

Referendum Law (Filipino)

REPUBLIKA NG PILIPINAS
KAPULUNGAN NG MGA KINATAWAN
Quezon City, Manila

IKA-14 NA KONGRESO
UNANG REGULAR NA SESYON

PANUKALANG-BATAS BLG______
____________________________________________________________________

Panukala ni Kgg. Eduardo Nonato N. Joson
_____________________________________________________________________

PALIWANAG

Uulitin ba ng kasaysayan ang sarili nito? May kasabihang “Ang mga hindi natuto sa aral ng kasaysayan ay nakasumpang ulitin ito.” Sa konteksto ng Pilipinas, kapwa nakaharap sa usaping ito ang taumbayan at ang mga lingkod bayan. Pagkaraan ng EDSA 1 at EDSA 2, magkakaroon pa kaya ng isa pang EDSA People Power na muling magbabago o papalit sa marapat na naiboto o naitalagang awtoridad? Naging relatibong mapayapa ang mga pangyayari sa dalawang EDSA People Power at walang maramihang pagkasawi ng buhay. Masasabi ba nating nasa atin pa ang suwerte o pagkasi ng Diyos sa di-marahas na pagbabagong maitatala sa kasaysayan, o hindi na natin nababasa ang mga nakasulat sa pader?

Nagsimula sa tanong ang awtor at sinundan pa ng iba pang tanong dahil hindi natin masasabi kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Ngunit sa pamamagitan ng pag-unawa sa nakaraan lamang natin mailalatag ang kinabukasan ng ating bansa. Dapat lamang na alalahanin ng mga dakilang lider na ang kapakanan ng taumbayan ang pangunahing usapin at naniniwala akong maisasakatuparan ang makatwiran, legal, at mapayapang pagtugon. Ito ang kontekstong kinalalagyan ng mungkahing ito. Dapat na matuto tayo sa aral ng kasaysayan. Hindi natin dapat pabayaan sa pagkakataon lamang at ilagay sa peligro ang kapayapaan at kapakanan ng taumbayan. Sa madaling sabi, dahil kadalasang hindi nagbibitiw ang mga politiko, at puwedeng mapaikot ang impeachment sa tusong paggamit sa laro ng numero, susunod na bang mangyayari ang People Power 3, kudeta, o rebolusyon? Nakatali ba tayo sa gulong ng kasaysayan o imperatibo ng kasaysayan kaya walang ibang paraan para maunahan o mapigil ang posibleng karahasan sa darating na araw dahil sa mas matinding kaligaligan ng publiko?

Ito ang layunin ng mungkahing batas na ito, ang magbigay ng isa pang legal at mapayapang mekanismong magbibigay sa taumbayan ng pagkakataon upang tuwirang makalahok at mapagpasiyahan ang kinabukasan ng bansang ito sa pamamagitan ng eleksiyon o balota. Sila mismo ang dapat na maging pinal na tagapagpasiya. “Isang estadong demokratiko at republikano ang Pilipinas. Nasa taumbayan ang soberanya at nagmumula sa kanila ang lahat ng kapangyarihang pampahalaan.” (Artikulo II, Seksiyon 1 ng Konstitusyon ng Pilipinas). Hiling ng lahat ang Vox Populi Vox Dei. Ang tinig ng bayan ay tinig ng Diyos. Dinggin ang kanilang tinig sa pamamagitan ng isang referendum. Sa ganito lamang maririnig ang kolektibong tinig. Sa pamamagitan ng referendum, maririnig ang tinig ng soberano.
Ang kritikal na usapin ay nauukol sa pagkawala ng tiwala ng publiko sa mga eleksiyon at sa presidente. “Ang tungkuling pambayan ay isang pagtitwala ng bayan. Dapat na managutan sa publiko sa lahat ng oras ang lingkod bayan at dapat na paglingkuran sila nang may ibayong responsibilidad, integridad, katapatan, at husay, pagkilos nang may patriotismo at katarungan, at magkaroon ng simpleng buhay.” (Artikulo X1, Seksiyon 1 ng Konstitusyon ng Pilipinas). Ibabalik ng referendum ang pagtitiwala sa proseso ng eleksiyon at demokrasya. Kung magwagi ang botong “Oo”, nabawi ng presidente ang tiwala, o naipahayag na ng taumbayan ang mandato sa pamamahala. Sa kabilang panig, ang botong “Hindi” ay tumatanggi sa pamumuno ng presidente at humihiling sa presidente na magbitiw sa puwesto.


Ang pagpapatibay ng panukalang batas na ito ay hinihiling.



EDUARDO NONATO N. JOSON




































REPUBLIKA NG PILIPINAS
KAPULUNGAN NG MGA KINATAWAN
Quezon City, Manila

IKA-14 NA KONGRESO
UNANG REGULAR NA SESYON

PANUKALANG-BATAS BLG______
____________________________________________________________________

Panukala ni Kgg. Eduardo Nonato N. Joson
_____________________________________________________________________


ISANG PANUKALANG-BATAS NA NAGTATADHANA SA PAGSASAGAWA NG REFERENDUM PARA SA BOTO NG KUMPIYANSA, PAGLALAAN NG PONDO PARA DITO AT PARA SA IBA PANG LAYUNIN

SEKSIYON 1.Title - Ang batas na ito ay makikilala bilang “BATAS REFERENDUM NG 2007”.

SEKSIYON 2. Deklarasyon ng Patakaran - Isang patakaran ng estado na maglaan ng mekanismo para matukoy ang pananagutan ng mga lingkod bayan ayon sa Artikulo XI, Seksiyon I ng Konstitusyon ng Pilipinas. Para sa layuning ito, itinatatag ngayon ang pamamaraang referendum bilang angkop na mekanismong tuwirang malalahukan ng taumbayan at mapagpasiyahan ang mga kaso ng alegasyon ng paglabag sa pagtitiwalang pampubliko sa ilalim ng naturang Artikulo XI, Seksiyon 1, at sa partikular, kung saan makapagsisilbi ito sa pambansang kapakanan sa mga kaso ng pagbibitiw o pagkatanggal ng mga lingkod bayang impeachable o puwedeng maalis sa puwesto sang-ayon sa Konstitusyon.

SEKSIYON 3. Pagsasagawa ng Referendum – Isasagawa ang isang referendum tatlong (3) taon pagkaraan ng pambansang eleksiyong Pampresidente. Tinutukoy dito ang referendum bilang eleksiyong mid-term na isasagawa sa layuning mabatid na ang mga kinauukulang lingkod bayan partikular ang Presidente at ang Bise Presidente ay binibigyan pa ng tiwala at kumpiyansa ng taumbayan. Ang gayong referendum ay magkakaroon ng bisa, at mapagpasiyang epekto sa mga opisyal para magbitiw sa kanilang mga tungkuling pinagdududahan sakaling manalo ang negatibong boto.

SEKSIYON 4. Tanong sa Referendum – Maglalaman ang balotang referendum ng mga sumusunbod na tanong sa Filipino at Ingles.

May tiwala ka pa ba sa pamamahala ni Presidente ______________at Bise Presidente ________________?
Do you still have confidence in the administration of President __________________and Vice-president ________________?

SEKSIYON 5. Pagsasakatuparan ng Ahensiya- Isasakatuparan ng Komisyon sa Eleksiyon ang referendum at siyang magbubuo ng mga tuntunin at regulasyon para sa pagsasagawa ng isang tapat, maayos at mapayapang referendum.

SEKSIYON 6. Laang-Gugugulin – Ang halagang Isang daang milyong piso (Php1,000,000.00) ay siyang, ilalaan upang gugulin sa isasagawang referendum.

SEKSIYON 7. Pagkabisa – Ang batas na ito ay magkakabisa labinlimang (15) araw pagkatapos na ito ay malathala sa dalawa (2) man lamang na pahayagan ng malawakang sirkulasyon.

Pinagtibay,

No comments: